Mahal Naming Pangulong Rodrigo R. Duterte:
Kung inyong mamarapatin may mga bagay lang po akong nais sabihin patungkol sa isa sa inyong mga priority programs, ang ‘war on drugs'. Mga bagay na bumabagabag at laganap ngayon sa lipunan. Mga bagay gaya ng Extra Judicial Killings.
Noong panahon po ng kampanya ipinangako ninyo na susugpuin ng inyong administrasyon ang droga sa loob lamang ng tatlong buwan. Pangakong sinambit n'yo po sa sambayanang Pilipino na ginawa ninyong anim na buwan dahil ang sabi n'yo ay hindi n'yo inakalang napakalaki talaga ng isyu ng droga sa bansa.
Nanalo po kayo sa eleksyon, at simula po nang maupo kayo sa pinakamataas na posisyon sa kapuluan ay sinimulan n'yo rin po ang inyong madugong war on drugs. Mula nang maupo po kayo noong June 30, 2016 bilang pangulo, ayon na rin sa mga survey, ay bumaba ang mga kasong may kaugnayan sa droga; kapuna-puna rin naman na madami ang sumuko at nagnais na magbago at makipagtulungan sa inyong ‘war on drugs'. Subalit sa kabilang banda, kapuna-puna rin po ang tila paglobo ng bilang ng mga namamatay dahil sa EJK.
Mahal naming pangulo isa po kayong abogado, kaya alam ko po na alam n'yo na ang EJK ay labag sa batas batay na rin sa Bill of Rights ng ating konstitusyon. Hindi ko po sinasabing kayo ang nasa likod ng mga EJK dahil sa inyong mga tagapagsalita na mismo nanggalinh na ang mga ganitong uri ng pagpatay ay hindi state sponsored at ito po ay mariin ninyong kinokondena at nais ko pong sabihing ako po ay naniniwala sa pamahalaan.
Subalit, mahal naming pangulo kung hindi po state sponsored ang mga ganitong uri ng pagpatay, bakit tila wala pa po kayong nahuhuling mga tao na nasa likod nito? At kung meron man po, gaano na po sila karami?
Mr. President mawalanggalang na po, pero sa aking sariling opinyon tila pikitmata po ang inyong administrasyon. Bakit ko po nasabing pikitmata? Dahil sa katotohanang hindi pa po nakararating sa akin ang mga hakbang na ginagawa po ninyo kontra sa EJK.
Kung lalayo naman po tayo sa EJK at tutungo tayo sa isa pang isyu ng ‘war on drugs' may mga bagay din po akong nais sabihin. Bakit po ba sa tuwing nakapapatay ang ating mga kapulisan ay tila praktisado sila sa pagsagot ng “nanlaban po e, kaya gumanti na din kami ng putok” ?
Ibig ko pong sabihin mahal na pangulo na tila lumaki po yata ang bilang ng namamatay na drug personalities sa mga raid ng ating kapulisan. Halimbawa po, napatay si Albuera, Leyte Mayor Espinosa sa loob mismo ng kulungan at ang kataka-taka po dito ay namatay siya noong mag-issue ng arrest warrant ang ilang miyembro ng pulisya, e nakakulong na po. At kung matatandaan po ninyo isa po siya sa inyong mga tinukoy na narco politicians.
Sa lahat po ng ito nais ko lamang pong tumbukin at umapela na kung saklaw po ng inyong kapangyarihan ay sana naman po ay aksyonan natin ito dahil bukod sa hindi ito maganda ay nasisira pa nito ang imahe ng Pilipinas sa international community.
Lubos na gumagalang,
Byron F. Gamban