Martes, Pebrero 14, 2017

"Malansang Umaga"


Maaring maagap pa para sa iba ang ala-sais ng umaga, pero ang ganitong oras ay tila tanghali na sa mga taga Dalahican lalong-lalo na sa pier nito dahil oras na ito ng kasagsagan ng mga taong mamimili ng mga sariwang isda.



Ito ang karaniwang eksena sa bagsakan ng isda sa Dalahican, maraming tao at kahit saan ay may isda kang makikita.

Pananalubong ang ginagawa ng ilan sa mga tao sa pier. Sila yung mga nag-aabang at agad sasalubong sa mga bangka o di kaya'y basnig na dumadaong sa pantalan





Dahil sa natural na lokasyon ng Dalahican hindi na kataka-taka ang iba't ibang isda na makikita sa katubigang nakapaligid dito. Mga isdang iba't iba ang laki at kulay.


Walang pini-piling edad ang pananalubong, karaniwang tanawin na sa pier ang mga amang kasama ang kanilang mga batang anak na lalaki na tila sina-sanay na para sa mga susunod pang taon.



Sa dami ng isdang ibinabagsak sa Dalahican, hindi na kataka-taka ang banye-banyerang isdang makikita dito. Mga isdang kung saan-saan nakakarating. May mga dinadala sa Maynila o di kaya naman ay sa iba pang lugar.


Upang di agad mabulok at maging bilasa ang mga isdang nahuli ng mga pangulong, basnig at maliliit na basnig ay nilalagyan nila ng yelo ang mga ito. Pag-iilado ang tawag sa proseso ng paglalagay ng yelo sa mga isdang dadalhin sa ibang lugar upang tumagal ang panahon bago maging bilasa ang mga isda.

Sa dami ng isdang dapat lagyan ng yelo e hindi lang iisang tao ang gumagawa ng trabahong ito. Mag-kakasamang nag-iilado ang mga lalaking nagtatrabaho sa iisang amo upang mapadali ang gawain.


 Pagkatapos iladuhin ang mga isda, ilalagay naman ang mga ito sa mga container na tulong-tulong itutulak papunta sa mga trak na nasa labas ng gusali. 


Sa gilid na bahagi naman ng pier ay matatagpuan ang mga negosyanteng nagtitinda ng mga isda sa maliit nilang pwesto. Ito din ang lugar na karaniwang dinadagsa ng mga tao pagsapit ng mga pasado alas siete hanggang hapon.

 Dito na rin binubukod-bukod ng mga negosyante ang kanilang mga paninda, karaniwang nasa mga palanggana at pinggan ang mga isdang ito.


Kahit na mura ang mga isda sa Dalahican ay mabusisi pa ring sinusuri ng mga namamlengke ang mga isda rito. Tinitingnan nila kung mapula ang hasang, kung maputi ang mata at kung hindi ito malambot at bilasa. Dahil sa mga ginagawang ito ng mga mamimili maari silang tawaging "matatalinong mamimili".

Normal lang din sa lugar na ito ang makakita ng mga batang nagtitinda ng mga isda, mga nangunguha ng styro foam, mga naghuhugas ng mga banyera. Ito ay mga trabahong ginagawa nila para mabuhay.

Kung mabusisi ang mga mamimili ay tapat naman ang mga nagtitinda rito. Tinitimbang nila nang maayos ang mga isdang binibili at ipinapakita nila ito sa mga mamimili. Kung suki ka nila maaring ka pang makakuha ng discount kung marunong kang makipagtawaran.




Kung nagustuhan ng mga mamimili ang isda ay tiyak na ang bayaran. Kung ang namili ay walang oras para maglinis ng isda ay pwede naman nila itong ipalinis sa mga taong nasa gilid ng daungan. 



Ang Sanaysay


Ang kahulugan ng salitang sanaysay ay masisilip sa mga salitang pinaghanguan nito. Ang salitang sanaysay ay hango sa mga salitang “sanay at pagsasalaysay”. Ang mga salitang ito ay sang-ayon naman sa kahulugan ng sanaysay ayon kay Alejandro Abadilla. Ayon sa kan'ya, ang sanaysay ay nangangahulugang nakasulat na karanasan ng isang taong sanay sa pagsasalaysay.

Ang mga piling pangyayari sa buhay ng isang tao o ang buhay mismo ng isang tao ay ang mga bagay na nakapaloob naman sa isang sulatin na tinatawag na talambuhay. Dahil sa pagsusumikap ni Lumbera na lumikha ng “bagong” pamantayan sa pagkakategorisa ng sanaysay bilang anyong pampanitikan (Lumbera 2000, 7) maituturing na sanaysay ang talambuhay. Ayon sa kaniya, maaari na ring sakupin ng kategoryang sanaysay ang alinmang akdang prosa na “nagbabahagi ng impormasyon, nagpapaliwanag, umaakit na paniwalaan natin ang sinasabi, tumutuligsa sa mga institusyon o indibidwal o umaaliw sa mambabasa. Dahil sa ginawang depinisyon na ito ni Lumbera, masasabi na rin na ang mga liham, kolum/artikulo sa pahayagan, mga tala sa dyornal, talambuhay o kathambuhay, pananaliksik, pormal na sulatin, tesis, malikhaing sanaysay (creative nonfiction), blog entri, at iba pa ay maituturing na mga sanaysay (Malikhaing Sanaysay: Anyo, Kasaysayan, at Antolohiya, pp.5-6).

Malaki ang ginampanang papel ng sanaysay sa kasaysayan ng panitikang Filipino. Noong panahon ng mga kastila, ito ay nagsilbing midyum upang maipahayag ng mga katutubo sa pamamagitan ng mga pahayagan, artikulo, at tudling ang kanilang mga obserbasyon, kuro-kuro, at pagpapalagay.

Noong ika-19 na siglo, ginamit ng kilusang Repormista ang sanaysay bilang lunan ng kanilang mga obserbasyon ng paninikil ng mga kastila sa kalagayan ng mga Filipino. Ang pagtuligsa sa mga nangyayaring kabaluktutan at kapalaluan sa lipunan sa panahong ito ay pinangunahan ng pahayagang El Pasig (1862). Nanaig ang diwang makabayan sa mga sanaysay sa anyo ng tudling, liham, lathalain, dyornal, talaarawan, at sermon (Lucero, et al. 1994, 93)

Sa pamamagitan din ng sanaysay ipinamalas ni Dr. Jose Rizal ang kaniyang pagiging palaban at kritikal. Ipinakita niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagsusulat sa pahayagang La Solidaridad. Isa ang La Verdad para todos (katotohanan para sa lahat) sa marami niyang naisulat.

Ang sanaysay ay nilikha dahil layunin nitong magbahagi ng impormasyon, magpaliwanag, at upang aliwin ang mga mambabasa. Sa bahagi naman ng mga repormista, sila ay lumilikha ng mga sulatin upang maiparating nila sa madla ang kanilang mga ideolohiya.

Naging karaniwang paksain ng mga nailalathalang akda noon ang pagsasakristiyano ng mga katutubo. Ang pangyayaring ito ay bunsod ng katotohanan na noong panahon ng mga kastila ay mga pari ang nagmamay-ari ng mga palimbagan. Ayon kay Nenita Pagdangan-Obrique, “ito ang nagsilbing makinarya sa pangangalat ng mga akdang babasahin tulad ng meditasyon, sermon, dayalogo, anekdotang moral, himno, pag-aaral ng wika, at paliwanag ng mga prinsipyong katolisismo” (Pagdangan-Obrique 2001, 64)

Sa pamamagitan din ng sanaysay naipahayag ng mga Repormista gaya nina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar at Graciano Lopez Jaena ang kanilang mga ideolohiya, obserbasyon at hinaing.

Isa ang isyu ng mga kritisismo sa mga blog ang lumitaw sa usapin ng pagsasanaysay sa Pilipinas.

Mayroong dalawang uri ng sanaysay: ang pormal at impormal na sanaysay. Ang pormal na sanaysay ay bunga ng pangangalap ng datos at panaliksik. Hinahango ng mananaysay ang kaniyang mga obserasyon, kuro-kuro, at kongklusyon sa pamamagitan ng mga datos na maayos na nakaorganisa at lohikal na analisis nito. Ang ganitong uri ng sanaysay ay karaniwang mapakikinggan sa mga kaligirang intelektwal gaya ng sa mga klase sa pagsusulat, simposya, lektyur, sermon, at mga talumpati. Ang tesis o anumang pananaliksik ganun din naman ang mga panunuring pampanitikan ng mga nasa akademya ay ilan sa mga halimbawa ng ganitong uri ng sulatin. Sa kabilang banda naman, sa impormal na sanaysay ay binibigyang kalayaan ang mananaysay sa kaniyang pagkatha batay sa kaniyang sariling karanasan at kung papaano niya isasabuhay ang karanasang ito. Ang impormal na sanaysay ay tinatawag ding palagayan ni Matute (Matute 1984, 1). Ayon din sa kaniya makikita sa palagayan ang malikhaing pagpapahayag ng nararamdaman ng mananaysay. Ang ibig sabihin, personal ang lapit ng mananaysay sa kaniyang palagayan.

Ang malikhaing sanaysay naman ay madalas isulat  sapagkat ang ganitong uri ng sulatin ay napapanahon hindi lamang dahil sa paksain nito, kundi dahil sa malayang pagkiling ng nakararami, manunulat man o hindi sa anyong ito. Bilang isang anyong pampanitikan matagal na itong nababasa at nasusulat kaya masasabi na subok na ang ganitong sulatin. Maaari ring dahilan kung bakit ito madalas isulat ay dahil ang malikhaing sanaysay ay ang pagtatala sa mga tunay na tao at pangyayari.

Ang malikhaing sanaysay ay parang tubig, tubig dahil ito ay binibigyang hugis ng kinalalagyan nito. Ibig sabihin ang malikhaing sanaysay ay umaangkop (flexible). Ayon naman sa mananaysay at kuwentista na si Cristina Pantoja-Hidalgo, ang malikhaing sanaysay ay may katangian batay sa pag-aaral nina Lee Gutkind at Philip Gerard. Ang mga katangiang dapat taglayin ng malikhaing sanaysay ayon kay Gutkind ay dapat isa itong pagsasabuhay at pakikipamuhay sa realidad ng sinusulat, dapat may kasamang pananaliksik sa napiling paksa. Kasama din sa mga katangiang binanggit ni Gutkind ay ang mga sumusunod: pagninilay-nilay sa nakalap na datos; pagbabasa ng mga tekstong makatutulong sa pagsusulat; at ang mismong akto ng pagsusulat. Sa kabilang dako, sinasabi naman ni Philip Gerard na may limang sangkap ang malikhaing sanaysay. Ayon sa kaniya dapat mayroon itong malinaw(apparent) at isang malalim(deeper) na sabjek. Tinataglay rin dapat nito ang katangian ng peryodismo na napapanahon(timeliness). Nagsasalaysay rin dapat ito ng isang magandang kuwento gamit ang estruktura ng maikling kuwento. Dapat isa rin itong pagmumuni-muni ng may akda at panghuli, dapat pinahahalagahan nito ang sining ng pagsulat(Gerard .996, 7-11).

Sa panahon ngayon, naglipana na ang mga taong nagbabahagi ng kani-kaniyang sanaysay sa mundo ng internet. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng blogging o kaya'y mga hindi mabilang na mga lathalain o kritisismo na makikita sa mga e-journal o opisyal na website/link ng pahayagan o organisasyon. Ang pagpapahayag ng damdamin ng karanasan ng mga bloggers ay ang masasabing sangkap kung kaya't masasabi na isa itong malikhaing sanaysay. 

Obra ni Direk Brillante Mendoza


   Matapos mapanuod ang kaniyang pelikulang Taklub ay agad pinagkaguluhan si Direk Brillante Mendoza paglabas pa lamang niya sa Cinema 4 ng SM City Lucena nitong Enero 14,2017. Kanya- kanyang higit at kublit ang mga katulad kong mag-aaral ng Calayan Educational Foundation Inc. (CEFI) upang makipag-selfie o di kaya'y groufie sa batikang direktor.

   Ang obrang ginawa ni Brillante Mendoza na pinamagatang “Taklub” ay para talaga sa lahat ng Filipino dahil hango ito sa realidad ng buhay, sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, matapos silang hambalusin ng super bagyong Yolanda.

   Noong makita ng karakter na si Erwin ang ginawang pagnanakaw ng yero ng isang lalaki mula sa kanilang bahay ay agad itong nagalit. Hinabol niya ito, at noong maabutan niya ito sa dalampasigan ay doon niya ito binugbog. Itong eksenang ito ang isa sa pinakanagustuhan kong eksena dahil bawat bitaw ng mura, bawat “putang ina mo” ay tagos; idagdag pa ang ekspresyon ng mukha ng mga gumanap.
    
   Ipinakita sa pelikula ang pagnanakaw, kawalan ng maayos na masisilungan, paghahanap ng mga mahal sa buhay na ‘di mo alam kung buhay o patay na, patuloy na pagkapit sa Diyos, at pati na rin kawalan ng kuryente. Sa lahat ng ito, umangat ang huli o kawalan ng kuryente dahil nakita na agad ito sa unang bahagi pa lang ng pelikula. Ipinakita ito sa pamamagitan ng pagkasunog ng bahay ni Renato, na ang dahilan ay ang paggamit ng gasera na karaniwan sa mga taong hikahos sa buhay. Mula sa mga pangyayaring ito at mula na rin sa direktor ang pinaka-naging layunin ng pelikula ay ang maimulat ang lahat kung gaano naging kahirap, kung papaano nagpatuloy sa buhay, at kung papaanong nagsimula muli sa wala ang mga nasalanta.

   Ang pagkasunog ng bahay ni Renato, ang pagnanakaw sa bahay nina Erwin ay mga pangyayaring totoo talaga. Ganu'n din naman ang paghahanap ng mga mahal sa buhay at patuloy na pagkapit sa Diyos. Lahat ng ito ay may binhi ng katotohanan at realidad dahil sumasalamin ito sa realidad ng buhay matapos ang Yolanda.

   Sa kabuuan, ang pelikula ay talagang maganda. Ipinakita dito nang malinaw ang layunin ng direktor at ‘yun ay ang imulat ng mata ng lahat. Ang layuning ito ay sinuportahan ng mga pangyayari sa pelikula gaya na lamang ng pagkasunog ng bahay ni Renato, pagbubuhat ni Larry ng krus, at ang paghahanap ni Bebeth sa kaniyang mga anak.


   Kung mayroong magtatanong sa akin kung anong magandang pelikula ang panoorin ay mairerekomenda ko ito. Ito ay dahil sa katotohanang makaka-relate ang karamihan sa ating mga Filipino dahil ito ay patungkol sa buhay matapos ang Yolanda. Isang pangyayari na bunsod ng bagyo at na ‘di malayong mangyari din sa atin dahil lahat naman tayo ay nakararanas ng ganitong uri ng kalamidad.

Karapatan, karapatan, karapatan ng mamamayan...Ipaglaban


   

Maaaring ang araw na iyon ay normal lang gaya ng dati kung saan kakain ka ng almusal tapos papasok sa trabaho kung meron, manunuod ng telebisyon, maglilinis ng bahay, manananghalian, manunuod ulit ng Tv, tutulog, magmemeryenda, manunuod ulit ng Tv, tapos kakin ulit at saka tutulog. Pero ang araw na iyon ay hindi lang basta simple at normal na araw para sa mga taong dumalo sa isang programa na may kaugnayan sa International Human Rights Day.

  Sabado,pasado 10:37 ng umaga ng Disyembre 10, 2016 naganap ang may kahabaang programa sa Activity Area ng a Pacific Mall, Lucena City. Ang programa ay may temang Arts for Human Rights kung kaya't ‘di na nakapagtataka na umikot halis ang buong palutuntunan sa usapin ng karapatang pantao na gaya nga ng sinabi ng mga speakers sa programa ay matunog sa panahong ito bunsod ng lumulobong bilang ng EJK o extra judicial killings at ang patagong paglilibing kay dating Pangulong Marcos na sabi nga ng mga human rights advocates ay sampal sa mga biktima ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos.

   Ang programa ay dinaluhan ng iba't-ibang human rights group na kinabibilangan ng Silent Majority, Bahaghari at Tanggol Kapayapaan. Gayundin ng nga miyembro ng Anak ng Quezon, ng isang political officer ng Akbayan Partylist at ng mga estudyante ng Humanities and Social Sciences Strand (HUMSS) ng Calayan Educational Foundation Incorporated kasama ang kanilang guro.

   Bago magsimula ay inanyayahan muna ang mga naunang mag-aaral na magpa-face paint na tinugon din naman ng ilan. Matapos ang medyo matagal na paghihintay ay pormal na nagsimula ang programa ganap na 10:37 ng umaga. Hindi pa tumatagal ang programa ay nagtanong na agad sa lahat ang isang babae na pinangalanang Maria Victoria Lavado ng Tanggol kapayapaan kung ano ba ang human rights, kung ano ba ang ceasefire at kung alam ba ng mga tagapakinig ang nangyayaring peace talks sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at ng Republika ng Pilipinas.

   Ang mga katanungan ay di agad nasagot ng mga estudyante kung kaya't ipinaliwanag ni Victoria sa lahat ang ibig sabihin ng human rights at ceasefire, gayundin ang peace talks at ang mga bagay na ginagawa ng kinabibilangan niyang grupo. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagsasalita ay hinikayat niya ang lahat na maging mapanuri sa paligid sa kadahilanang ‘pag ‘di umano ito ginawa ay maaring malabag ang karapatan ng bawat isa. Pinaalalahanan din niya ang lahat na huwag manahimik dahil ang human rights para sa kaniya ay usapin ng buhay at hustisya. Bago matapos sa pagsasalita si Victoria ay hinikayat niya ang lahat na maging tagapagtaguyod ng kapayapaan.

   “Sana lahat maging kasapin namin sa Tanggol Kapayapaan at magparticipate sa iba't-ibang programa. Sana lahat tayo maging peace advocates dahil lahat po tayo ay may karapatan sa isang matahimik at mapayapang lipunan,” ika niya.

   Sa pagtatapos ng pagsasalita ni Victoria ay ginawang open mic ang programa upang masabi ng mga dumlo ang kanilang mga saluobin at upang ipakita ang kanilang mga talento. Hinikayat ng emcee ang lahat na lumahok dahil kung magkakaroon ng Martial Law ay baka ‘ di na magawa at masabi ng mga estudyante ang kanilang mga hinaing at mga nais sabihin. Bunsod nito, natunghayan ng mga sumusubaybay ang pagtatanghal ng poetry performances nina Oyi Lorico, Kyla Trisha Pitong at Gwyneth Ann Cosejo. Gayun din ang pag-awit nina Anabelle Aranilla, Krisha Rubico, Ellen Vie Abadilla, Glenn Daleon, at iba pa. Kaalinsabay ng open mic ay sinimulan na rin ang live paintings sa pamamagitan ng pagpipintura ng pula sa puting tela. Sinimulan na ring idikit o isabit ng mga nanguna ang mga artwork gaya ng mga painting na may mensaheng palayain lahat ng mga political prisoners o mga taong nakakulong dahil sa isyung politikal.

   Inakala ng lahat na iyon na ang katapusan ng unang bahagi ngunit hindi pa pala doon natatapos ang programa. Pagkatapos ng bahagi ng open mic ay muli pang gumulong ang palatuntunan. Mga 11:44 ng umaga sinimulang panuorin ng lahat ang iba't-ibang series of public announcement at movie clips gaya ng “Kuna”,”Make-up”, at “Magtanim ay ‘di Biro”.

   Bago magtanghalian ay nagkaroon pang muli ng diskusyon kung anong oras ba ang balik. May mga nagpanukala ng ala una, ng alas dos, ng alas dos y media ngunit sa bandang huli ay napagkasunduang ala una ang balik ng lahat. Natapos ang unang bahagi eksaktong 12:00 ng tanghali.

   Matapos mananghalian ay nagtipon-tipon muli ang lahat sa activity area. Pagpatak ng ala una ng hapon ay sinimulang panuorin ang isang indie film na may titulong Mga Kwentong Barbero (Barber's Tales) na pinagbibidahan ni Eugene Domingo kasama sina Iza Calzado, Gladys Reyes, Nonie Buencamino at iba pa. Ginawang Martial Law era o panahon ng batas militar ang setting ng pelikula. Ang kwento ay umikot sa buhay ng isang babae at kung papaanong mula sa pagiging isang simpleng maybahay ay naging barbero siya matapos mamatay ang kaniyang asawa.

   Sa pelikulang ito ipinakita kung papaanong natulak ang mga tao na maging kasapi ng isang armadong pakikibaka, kung papaanong napatay ang isang pari ng dahil lamang sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng gamot at bigas sa mga rebelde. Kung papaano nagpakamatay ang maybahay ng isang alkalde dahil sa kalungkutang dulot ng pambabae ng kaniyang asawa at kung papaano ipinaghiganti ng isang babae ang isang kaibigang nagpakamatay. Ang pelikula ay umani ng mga palakpakan sa pagtatapos nito pasado 3:14 ng hapon.

   Matapos ang film watching ay kapansin- pansin ang unti-unting bumababang bilang ng mha estudyanteng nakikinig ngunit hindi ito naging sagabal para umusad at magpatuloy ang programa. Sa pagwawakas ng pelikula ay s'ya namang pagsisimula ng isang bagong speaker.
Nagpakilala bilang Aaron Bonnete ang tao sa unahan. Ipinakilala siya bilang Secretary General ng EU Bahaghari isang Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBT) group. Ginamit ni Aaron ang pagkakataong iyon upang hikayatin ang mga katulad niya na lumabas at sumali sa kinabibilangan niyang grupo.

   Sa pag-alis ni Aaron ay kapu-puna na tila nanlalambot na ang karamihan kung kaya't tinawag ng emcee si Joel Boncoy isang rapper upang gisingin ang lahat.
Hindi inaasahan ng karamihan na dalawa ang magiging panimulang rap ni Joel. Ang rap din na kaniyang pinerform ay ‘di lang basta maganda kundi malaman dahil ang mensahe ay halos nakatuon sa human rights at Kidapawan Massacre.

   Matapos ang pampasiglang pagtatanghal na iyon ni Joel ay pumunta naman sa unahan ang isang babaeng ipinakilala bilang Allen. Maikli lang ang naging palabas ni Allen sapagkat binigkas lamang niya ang isang tula na siya mismo ang gumawa na pinamagatang “Grudges to the Past”. Sa kaniyang pagtula ay tinanong din ni Allen kung papaano nga ba masasabi ng isang Pilipino na Pilipino siya.
Matapos si Allen ay sinundan pa muli siya ng ilan pang mga tagapagsalita.

   Sa paglipas ng oras ay napagdesisyunan ko na mag-interview. Sa pagkakataong ito ay nakapanayam ko si Jasmin Lacerna, 20 taong gulang. Nagpalitan kami ng tanong at sagot tungkol sa human rights. Pinunan niya ng kasagutan ang mga katanungan ko sa isang bosen na ‘di gano'n kalakas subalit pinipilit makipaglaban sa ingay ng mga taong nagdaraan at ingay ng nagrarap.

   “Actually 2013 talaga ako nag-start sa grupo namin kasi hobby ko ang pagpinta, bale nagsimula ako noong 3rd year college. Nung una puro arts yung ginagawa namin tapos na-curious ako du'n sa mga human rights then habang lumalaon ipinaintindi naman nila sa akin kasi sa grupo na ‘ yan ipinaliwanag sa amin yung kay Marcos, ‘ yung human rights at extra judicial killings”.
Sa tanong na kung ang pagsama ba sa adbokasiya ng human rights ay ipinakita niya sa pamamagitan ng pagpipinta ay naging maganda ang kaniyang sagot.

   “Ang sining ay para sa masa kahit walang bayad ‘yan at kahit may nasasagasaan kang oras d'yan, para sa masa ‘yun e. Gumagawa kami ng work para sa masa. ‘Di  lang pangsariling interes, kumbaga ‘yung ginagawa namin ‘di lang dito umiikot dahil madami pa kaming ginagawa bukod sa human rights”.

   Sa panayam naman kay Mr. German Mercado, isang political officer ng Akbayan Partylist, inilabas niya ang kaniyang saloobin sa mga nangyayaring EJK sa kasalukuyan:

   “Kung nakikinig kayo na balita  ‘di ba namatay si Espinosa, nabuklat, ang nag-operate ay si Marvin Marcos at ang sinabi ng pangulo ay ‘di niya pananagutin ang mga pumatay. Kahit siya presidente ay dapat siyang sumunod sa batas sapagkat ‘yun ang kaniyang sinumpaan, ang ipatupad ang batas ng bansa. Hindi tayo nabubuhay sa panahon ng mga hari na ang gumagawa ng batas ay hari. Nabububay tayo sa panahon kung saan nagkasundo ang mga mamamayan na gumawa ng kontrata na merong batas at dapat lahat sumailalim sa batas na iyon. Basic! Napakahalaga ng buhay at kaya nga tayo binigyan ng karapatan at meron tayong saligang batas, Article 3 section 1 ng Bill of Rights, No person shall be deprived of life, liberty, and property without the due process of law. Ibig sabihin walang sinumang tao ang dapat alisan ng buhay, ari-arian at anumang bagay na ‘di dumadaan sa batas. ‘Yun ‘yon”

   Pasado 5:30 n natapos ang programa pero ‘di pa pala iyon ang wakas. Bitbit ang mga kandila at plakard na may iba't-ibang sulat gaya ng “Marcos no Hero” ay magkakasamang nagmartsa ang mga human rights group at humigit kumulang 25 na estudyante mula Pacific Mall papuntang overpass sa tapat ng Quezon National High School at West I Elementary school, Lucena City.

   Sa martsa sama-samang sumigaw ang mga raliyista ng kanilang mga protesta gaya ng “No to Human Rights Violation” at “Marcos, Hitler, Tuta...” Kasabay nito ay namigay din sila ng mga pliers katulad ng ipinamigay sa Pacific Mall na naglalaman ng 12 Points ng NDF Program at isang artikulo tungkol sa pagsusulong ng Peace talks.

   Nang marating na ang kanilang destinasyon ay tumayo sa gilid ng kalsada ang mga raliyista at muling isinigaw ang kanilang mga protesta. Ang iba namang kasama ay umakyat sa overpass para isabit ang painting na kanilang ginawa na naglalaman ng mga bagay na may kaugnayan sa Human Rights. Kasabay nito ay nagvandalize naman ang iba sa overpass sa pamamagitan ng paglalagay ng tila larawan ni Pangulong Duterte habang hinahalikan si dating pangulong Marcos.

Mapayapang natapos ang rally pasado 6:37 na ng gabi  



Linggo, Pebrero 12, 2017

May Isang Ako



Ako si Byron Flores Gamban, labing-pitong taong gulang. Ang edad kong ito ay batay sa araw kung kailan ako unang sinikatan ng araw. Isinilang ako noong Agosto 26 taong 1999.

Ang aking pangangatawan ay sakto lang. Isa akong lalaki na 5’3 ang taas at 48 kg ang bigat. Ang aking etnisidad ay parehong Tagalog at Waray bunsod na din ng magkaibang etnisidad ng aking mga magulang.

Bagama't sakto lang ang aking kaanyuan ay mayroong isang bagay akong maipagmamalaki dahil ito ang pinaka kapansin-pansing bahagi ng aking mukha at ito ay ang aking matangos na ilong. Isa ito sa maipagmamalaki ko dahil ito ang bahagi ng aking mukha na madalas mapansin ng ibang tao.

Sa usapin naman ng mapaglilibangan, paborito kong sport ang badminton. Nakahiligan ko ito simula pagkabata dahil na rin sa maganda at maayos na kondisyon ng aking katawan.

Maayos ang aking pangangatawan dahil na rin sa magandang lagay ng aking kalusugan sa kasalukuyan. Naging maganda ito, dahil sa tingin ko, ito ay bunga ng pagkain ko ng mga gulay at pagkain na hindi ko talaga tinitikman noon.

Sa ngayon, wala naman akong kahit na anong sakit kaya hindi ako sumasailalim sa kahit na anong gamutan sa kasalukuyan. Bunsod nito, mas naging aktibo ako sa pakikisalamuha sa iba't-ibang tao sa paligid ko, na nakakatulong din naman sa aking pag-unlad.

Sa kabilang banda, kung tatanungin ang naging sakit ko noon ang magiging sagot ko ay blood infection na bunga ng palagian kong pagkain ng noodles, processed food, softdrinks, at iba pa. Nagsilbing panggising ang sakit kong ito dahil ito ang humikayat para bawasan ko ang pagkain ng mga pagkaing ‘di maganda sa aking kalusugan.

Sa usapin pa rin ng pangangatawan, kahit na malikot ako ay wala naman akong seryosong sugat o kahit natatandaan na ganito. Sa tingin ko din ay wala naman akong depekto ngunit malimit sabihin ng pamilya ko na mahina raw ang aking pandinig.

Nasabi na lang din naman ang pamilya, lahat kami sa pamilya ko ay palabati basta kakilala at malapit sa amin. Bibabati namin sila kahit na nasa sasakyan kami o kahit nagkasalubong lang.

Normal lang din ang alak sa pamilya namin kaya hindi ko maitatanggi na nakainom na ako ng alak subalit mabibilang ko sa isang kamay kung gaano ako kadalas uminom sa isang taon. Sa kabilang banda, ang paninigarilyo at lalong-lalo na ang droga ay bawal sa amin.

Ang gawain kong ito (pag-inom) ay maituturing kong isang kahinaan gaya ng kiliti. Kung ang mga ito ay kahinaan ang kalakasan ko naman ay ang aking ipinagmamalaking ilong.

Ako ay isang tao na may simple ngunit kakaibang imahinasyon. Isa akong tao na ‘di ganon katalino pero alam ko ang common sense at humor at sa scale na 1-10 masasabi ko na papasa ako dahil sa tingin ko ang magiging score ko ay 9.

Kahit ‘di ako masyadong matalino ay tinitingnan ko ang buhay nang positibo at may pag-asa kung kaya't ‘pag may kinakaharap akong problema ay tinitingnan ko ito sa ibang anggulo para mahanap ko ang magandang bahagi nito.

Dahil sa positibong pagtingin ko sa buhay ay nagawa nitong punan ang kakulangan ko sa pagkanta at pagsayaw. Nagawa rin ng pagiging positibo ko ang pagpapabuti pa sa mga bagay kung saan ako magaling gaya ng pagluluto at paghahalaman.

Epekto rin ng pagiging positibo  ang pinakamataas na tagumpay na nakamit ko at ito ay nang may karangalan sa parehong elementarya at Junior High. Nabigo man akong maging bahagi ng Top 5 noong Junior High ay ‘di ko ito masyadong dinaramdam kahit na ito ang pinakamalaki kong kabiguan.

Pero ‘di ako ganon kabait. Sa pakikutungo ko sa iba, mas gusto kong maging dominante kaysa maging tagasunod. Dominante dahil masmagkakaroon ako ng kontrol sa mga bagay-bagay.

Simple man ang aking imahinasyon ay mataas naman ang aking mga ambisyon sa buhay. Gusto kong maging mayaman, mapuntahan ang iba't-ibang bansa, at ang maging isang ganap na abogado. Sa kabilang banda, mayroon din akong kabaliwan at ito ay ang makapunta sa kalawakan.

Payak man ang aking katauhan ay mayroon pa rin akong mga bagay na kinatatakutan, kinahihiyaan, at pinahahalagahan na medyo nakabatay sa moralidad kong ‘di kataasan.

Ang mamatay, ang iwan ng buong pamilya, at ang mabigo sa pag-abot ng aking mga pangarap ang mga bagay na aking kinatatakutan. Sa kabilang banda, ang pagsasalita nang masama sa pamilya ko, panloloko, at ‘di pagsunod sa mga pagkakataong ako ang may awtoridad ay ang mga bagay na kinagagalitan ko.

Ang pagiging guilty naman ay nararamdaman ko kapag nakapagsalita ako nang masama sa isang tao dahil sa pagiging paranoid ko ay iniisip ko na baka mag-suicide ang taong pinagsalitaan ko.

Sa buhay kong ito, may tatlong bagay akong pinakapinahahalagahan at ito ay ang paniniwala ko, pamilya, at ang mga pangarap ko. Balewala naman sa akin ang kasikatan, pagkilala, at social status.

Ang pinakamaganda kong nagawa sa loob ng 17 years ay nu'ng naiparamdam ko ang pagiging anak ko sa tatay ko dalawang oras bago s'ya mamatay. Sa kabilang banda, maaari akong pulaan ng pagiging maiinitin ang ulo.

Psychological strength ko ang aking instinct at tiwala sa sarili dahil ito ang batayan ko sa ilang bagay sa aking buhay, ngunit sa kabilang dako, ang pagiging paranoid at negatibong pag-iisip ay maituturing na mga psychological weakness ko.

Sa usapan naman ng kamunduhan, mas nagugustuhan ko ang mga babaeng cute, may maputi at makinis na mga binti, may magandang leeg, at may medyo malaki or katamtamang “hinaharap”. Ang mga taong kinakikitaan ko ng mga ito ay ginagawa kong sikreto kung meron man dahil ayaw kong marinig ang mga “ayiee” ng aking mga kaibigan. Kahit na may kamunduhan ako, naniniwala pa rin naman ako sa iisang Diyos na nagbibigay buhay sa lahat.

Sa kasalukuyan, tulad pa rin ng dati, naninirahan pa rin ako sa lugar kung saan ako lumaki at ito ay ang Lungsod ng Lucena. Lumaki akong mahirap, hanggang ngayon, kasama ang aking pamilya na umalalay sa akin mula pagkabata.

Kinamulatan ko na ang payak na pamumuhay dahil bata pa lamang ako ay ramdam ko ang ibig sabihin ng hirap. Patay na ang aking ama ngunit dati siyang mangingisda; ang akin namang ina ay kumikita ng humigit kumulang ₱3000 mula sa pagiging labandera at plantsadora na trabaho na niya mula pa noon.

Malaki ang pasasalamat ko sa aking ina dahil kung hindi siya naging masipag, matapang, at matatag hindi ko alam kung ano na lang ang mangyayari sa amin. Pero minsan, naiinis ako dahil hindi niya magawang tiisin ang mga mahal niya sa buhay, katangiang napaglalabisan na kung minsan.

Ang aking kabataan ay talagang maganda dahil dito ko naranasang maglaro sa mga puno, magbisekleta, at marami pang iba. Dahil nga sa katotohanang ang aking pamilya ang kasama ko sa aking kabataan ay sila ang nakaimpluwensya sa akin nang malaki. Sila ang nagturo na huwag akong makipagbabag o makipag-away. Sila rin ang humubog sa paniniwalang pang-relihiyon ko.

Pagdating naman sa kasalukuyan, masasabi ko na ang aking mga kaibigan ang nag-iwan ng tatak sa akin dahil sila may pinakamalaking impluwensya sa akin. Sila ang nagturo ng mga bagay na pinakikinabangan ko ngayon gaya ng pakikisalamuha sa iba at ang puspusang pag-aaral.

Nag-aral ako sa pampublikong paaralan sa parehong elementarya at Junior High subalit nagbago ito noong tumuntong ako ng Senior High. Masasabi kong maganda ang naging buhay estudyante ko kahit na ‘di ako ganon kasikat.

Noong nasa elementary at Junior High ako, kaya kong sabihin nang taas noo na pinakamagaling ako sa Araling Panlipunan, HeKaSi, at Social Studies subalit ibang usapan na ang matematika lalo na ang Algebra dahil hindi ako kagalingan dito.

Sa elementarya, puro klase talaga ako pero nung Junior High napakarami kong school organizations na sinalihan. Minsan akong naging auditor ng SSG at ilang taon din akong nanilbihan bilang officer ng Filipino Club, Sipnayang Lohika o Math Club, ng Book Lovers Club, ng Science Wizard Club at marami pang iba.

Sa usapin naman ng pag-ibig wala pa akong pinasukang relasyon pero may pwede akong sabihing  “first love”. Ang first love ko siguro ay yung classmate ko sa MTAP; ang bait n'ya kasi tapos matalino pa. Nagkagusto ako sa kan'ya dahil tinutulungan niya ako pero ‘di naging ‘kami' kasi lumipat siya ng school at nagkailangan na ‘rin noong malaman n'ya na may gusto ako sa kaniya.

Dahil nga sa katotohanang wala naman akong nakarelasyon, hindi rin aktibo ang aking sex life ko. 
Hindi ako fan ng “pagsosolo”. Subalit, privately or secretly akong fan ni Jennylyn Mercado dahil ang lakas ng dating niya, sexy, and hot. LOL

Sa lagay naman ng pagkakaibigan ay may bestfriend ako at siya ay si Justine Canaria. Siya ang pinakamatalik kong kaibigan for more or less a decade. Bestfriend ko s'ya sapagkat naiintindihan niya ako.

Kung may bestfriend ako wala naman akong best enemy, may mga taong ‘di ko gusto pero ‘di ko sila kaaway.

Pagdating naman sa mapaglilibangan isa akong fan ng panonood ng mga anime at K-dramas at pagbabasa ng iba't ibang libro. Bukod sa mga ito, nakahiligan ko ‘rin ang pakikipagkwentuhan sa aking mga kaibigan. Mahilig rin akong magbasa at sa katunayan nga ang libro ni Vice Ganda na pinamagatang “ President Vice ang bagong Panggulo ng Pilipinas” ang huling librong nabasa ko. Ang huling pelikula naman na napanood ko ay may pamagat na John Wick.

Pagdating naman sa pakikipagsaya ay ‘di ako masyadong aktibo. Ang huling party na nadaluhan ko ay ang Christmas Party namin nitong nakaraang December 20, 2016.

Sa buhay ko, masasabi ko na kahit madami akong nakilala ay may isang tao na nag-iwan sa akin ng napakalaking tatak at siya ang aking pinakamatandang kapatid. Ang ‘di ko malilimutang bagay kasama siya ay nu'ng nagbakasyon ako sa Laguna dahil dinala niya ako sa bahay ni Dr. Jose Rizal at magkasama kaming kumain sa Isdaan Floating Restaurant. Ang pinakapangit kong ala-ala kasama siya ay nu'ng pagsalitaan niya ako tungkol sa mga hugasin kahit na ‘di ako ang dapat magdayag.

Pagdating naman sa politika ay may mga posisyon akong pinaniniwalaan gaya ng masmaganda ang Federalism, sa Pilipinas ang ilang isla sa Spratlys at iba pa. At kung magkakaroon ako ng kapangyarihan na baguhin ang mundo, gagawin ko na Pilipinas ang maging pinakamalakas na bansa o nag-iisang superpower na bansa para ‘di na maging mababa ang tingin sa mga Pilipino.

Karamihan sa mga ito, karamihan sa mga posisyon, at perspektiba ko sa buhay ay bunsod ng tatlong turning points sa buhay ko. Una, noong mamatay ang aking ama; Pangalawa, noong magtapos ako ng elementarya; at pangatlo, noong umalis ang aking kapatid para magtrabaho sa ibang bansa.

Nakatira ako sa isang simpleng bahay na mayroong isang tulugan, isang banyo, maliit na kusina, at simpleng living room. Ang bahay namin o ang address ko ay 801 Prk. 1-B Ilaya Brgy. Dalahican Lucena City, nakatira ako dito sa halos 13 na taon.

Sarili naming bahay ang bahay namin subalit ang kinatitirikan ay hindi sa amin pero wala kaming binabayaran. Ang kinatitirikan ng bahay namin ay maganda dahil maaasahan namin ang aming mga kapitbahay at katabi ito ng kalsada.

Sa kasakukuyan, nakatira ako kasama ang aking nanay na si Veronica Gamban at ang aking dalawa pang kapatid na sina Rachele at Rea Gamban.

Kung susumahin, maganda naman ang relasyon ko sa mga kasama ko sa bahay. Madalas kaming kumain nang sabay-sabay at hilig din namin ang pagkekwentuhan at sama-samang panonood. Dahil sa maayos na relasyon malimit ang pag-aaway sa amin kaya napapanatiling malinis ang kabuuan ng bahay.

Paborito kong parte ng bahay ang maliit naming living room dahil naandito ang TV. Isa pang dahilan ay naandito ang electric fan kasi nasira na ang isa pa naming bentilador. Hindi ko naman gusto ang kwarto dahil sa maiinit dito at ito ay kulong at maliit.

May tatlong bagay akong paborito sa bahay at ito ay ang remote ng TV, electric fan, at mga libro. Remote dahil ‘di ko mabubuksan ang TV kung wala ito at para ‘di palipat-lipat ng channel, electric fan dahil mabanas, at mga libro dahil may mga pagkakataong nakababagot din manood sa TV.

Ang mga bagay na ayaw ko naman ay mga lumang damit, lumang test papers, at mga dating module. Gusto kong alisin ang mga ito dahil pampasikip lang ang mga ito sa cabinet.

Sa mga ala-ala, pinakamasaya at ‘di ko siguro malilimutan ay nu'ng huling noche buena na buo ang pamilya namin. Buhay pa noon si tatay at nasa Lucena pa noon ang mga kapatid ko. Masaya din ‘yung mga panahong naglalaro kami ng tatay ko ng kurutan gamit ang mga daliri sa paa.

Hindi lang masasayang alaala ang natatandaan ko sa bahay namin, pinakapangit na alaala ko siguro dito ay nu'ng ibinalda ako ni tatay dahil natumba ‘yung bangko dahil sa kapatid ko. Binuhat niya ako habang hawak ang dalawa kong tenga at saka niya ako inihagis. Hindi ako makaiyak noon dahil ayaw ng tatay ko na may naririnig siyang umiiyak. Pangit na alaala din ‘yung panahon kung kelan nagtangka ang tatay ko na magbigti, buti na lang at napigilan namin siya

Pinakamalungkot na alaala ko naman sa bahay namin ay nung mamatay si tatay na kaming dalawa lang ng pangatlo kong ate ang kasama niya. Iyak lang ako nang iyak noon dahil ano ba naman ang alam gawin ng batang sampung taong gulang lang. Wala noon ang aming ina dahil tumakbo siya sa labas para maghanap na tricycle na pwedeng sakyan para pumunta sa ospital subalit huli na nang dumating sila.

Ang mga pera at ipon ko naman sa likod ng mga picture frames ang pinakamalaki kong sikreto sa bahay. Sikreto ito dahil baka kunin nila ang pera ‘pag nalaman nila. Sikreto rin ang mga love letters na bigay ng mga schoolmates ko noong Junior High sa akin na nakatago sa damitan ko.

Sa kabuuan maganda ang aming tahanan dahil kasama ko ang aking pamilya.