Martes, Pebrero 14, 2017

Karapatan, karapatan, karapatan ng mamamayan...Ipaglaban


   

Maaaring ang araw na iyon ay normal lang gaya ng dati kung saan kakain ka ng almusal tapos papasok sa trabaho kung meron, manunuod ng telebisyon, maglilinis ng bahay, manananghalian, manunuod ulit ng Tv, tutulog, magmemeryenda, manunuod ulit ng Tv, tapos kakin ulit at saka tutulog. Pero ang araw na iyon ay hindi lang basta simple at normal na araw para sa mga taong dumalo sa isang programa na may kaugnayan sa International Human Rights Day.

  Sabado,pasado 10:37 ng umaga ng Disyembre 10, 2016 naganap ang may kahabaang programa sa Activity Area ng a Pacific Mall, Lucena City. Ang programa ay may temang Arts for Human Rights kung kaya't ‘di na nakapagtataka na umikot halis ang buong palutuntunan sa usapin ng karapatang pantao na gaya nga ng sinabi ng mga speakers sa programa ay matunog sa panahong ito bunsod ng lumulobong bilang ng EJK o extra judicial killings at ang patagong paglilibing kay dating Pangulong Marcos na sabi nga ng mga human rights advocates ay sampal sa mga biktima ng batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos.

   Ang programa ay dinaluhan ng iba't-ibang human rights group na kinabibilangan ng Silent Majority, Bahaghari at Tanggol Kapayapaan. Gayundin ng nga miyembro ng Anak ng Quezon, ng isang political officer ng Akbayan Partylist at ng mga estudyante ng Humanities and Social Sciences Strand (HUMSS) ng Calayan Educational Foundation Incorporated kasama ang kanilang guro.

   Bago magsimula ay inanyayahan muna ang mga naunang mag-aaral na magpa-face paint na tinugon din naman ng ilan. Matapos ang medyo matagal na paghihintay ay pormal na nagsimula ang programa ganap na 10:37 ng umaga. Hindi pa tumatagal ang programa ay nagtanong na agad sa lahat ang isang babae na pinangalanang Maria Victoria Lavado ng Tanggol kapayapaan kung ano ba ang human rights, kung ano ba ang ceasefire at kung alam ba ng mga tagapakinig ang nangyayaring peace talks sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at ng Republika ng Pilipinas.

   Ang mga katanungan ay di agad nasagot ng mga estudyante kung kaya't ipinaliwanag ni Victoria sa lahat ang ibig sabihin ng human rights at ceasefire, gayundin ang peace talks at ang mga bagay na ginagawa ng kinabibilangan niyang grupo. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagsasalita ay hinikayat niya ang lahat na maging mapanuri sa paligid sa kadahilanang ‘pag ‘di umano ito ginawa ay maaring malabag ang karapatan ng bawat isa. Pinaalalahanan din niya ang lahat na huwag manahimik dahil ang human rights para sa kaniya ay usapin ng buhay at hustisya. Bago matapos sa pagsasalita si Victoria ay hinikayat niya ang lahat na maging tagapagtaguyod ng kapayapaan.

   “Sana lahat maging kasapin namin sa Tanggol Kapayapaan at magparticipate sa iba't-ibang programa. Sana lahat tayo maging peace advocates dahil lahat po tayo ay may karapatan sa isang matahimik at mapayapang lipunan,” ika niya.

   Sa pagtatapos ng pagsasalita ni Victoria ay ginawang open mic ang programa upang masabi ng mga dumlo ang kanilang mga saluobin at upang ipakita ang kanilang mga talento. Hinikayat ng emcee ang lahat na lumahok dahil kung magkakaroon ng Martial Law ay baka ‘ di na magawa at masabi ng mga estudyante ang kanilang mga hinaing at mga nais sabihin. Bunsod nito, natunghayan ng mga sumusubaybay ang pagtatanghal ng poetry performances nina Oyi Lorico, Kyla Trisha Pitong at Gwyneth Ann Cosejo. Gayun din ang pag-awit nina Anabelle Aranilla, Krisha Rubico, Ellen Vie Abadilla, Glenn Daleon, at iba pa. Kaalinsabay ng open mic ay sinimulan na rin ang live paintings sa pamamagitan ng pagpipintura ng pula sa puting tela. Sinimulan na ring idikit o isabit ng mga nanguna ang mga artwork gaya ng mga painting na may mensaheng palayain lahat ng mga political prisoners o mga taong nakakulong dahil sa isyung politikal.

   Inakala ng lahat na iyon na ang katapusan ng unang bahagi ngunit hindi pa pala doon natatapos ang programa. Pagkatapos ng bahagi ng open mic ay muli pang gumulong ang palatuntunan. Mga 11:44 ng umaga sinimulang panuorin ng lahat ang iba't-ibang series of public announcement at movie clips gaya ng “Kuna”,”Make-up”, at “Magtanim ay ‘di Biro”.

   Bago magtanghalian ay nagkaroon pang muli ng diskusyon kung anong oras ba ang balik. May mga nagpanukala ng ala una, ng alas dos, ng alas dos y media ngunit sa bandang huli ay napagkasunduang ala una ang balik ng lahat. Natapos ang unang bahagi eksaktong 12:00 ng tanghali.

   Matapos mananghalian ay nagtipon-tipon muli ang lahat sa activity area. Pagpatak ng ala una ng hapon ay sinimulang panuorin ang isang indie film na may titulong Mga Kwentong Barbero (Barber's Tales) na pinagbibidahan ni Eugene Domingo kasama sina Iza Calzado, Gladys Reyes, Nonie Buencamino at iba pa. Ginawang Martial Law era o panahon ng batas militar ang setting ng pelikula. Ang kwento ay umikot sa buhay ng isang babae at kung papaanong mula sa pagiging isang simpleng maybahay ay naging barbero siya matapos mamatay ang kaniyang asawa.

   Sa pelikulang ito ipinakita kung papaanong natulak ang mga tao na maging kasapi ng isang armadong pakikibaka, kung papaanong napatay ang isang pari ng dahil lamang sa pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng gamot at bigas sa mga rebelde. Kung papaano nagpakamatay ang maybahay ng isang alkalde dahil sa kalungkutang dulot ng pambabae ng kaniyang asawa at kung papaano ipinaghiganti ng isang babae ang isang kaibigang nagpakamatay. Ang pelikula ay umani ng mga palakpakan sa pagtatapos nito pasado 3:14 ng hapon.

   Matapos ang film watching ay kapansin- pansin ang unti-unting bumababang bilang ng mha estudyanteng nakikinig ngunit hindi ito naging sagabal para umusad at magpatuloy ang programa. Sa pagwawakas ng pelikula ay s'ya namang pagsisimula ng isang bagong speaker.
Nagpakilala bilang Aaron Bonnete ang tao sa unahan. Ipinakilala siya bilang Secretary General ng EU Bahaghari isang Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBT) group. Ginamit ni Aaron ang pagkakataong iyon upang hikayatin ang mga katulad niya na lumabas at sumali sa kinabibilangan niyang grupo.

   Sa pag-alis ni Aaron ay kapu-puna na tila nanlalambot na ang karamihan kung kaya't tinawag ng emcee si Joel Boncoy isang rapper upang gisingin ang lahat.
Hindi inaasahan ng karamihan na dalawa ang magiging panimulang rap ni Joel. Ang rap din na kaniyang pinerform ay ‘di lang basta maganda kundi malaman dahil ang mensahe ay halos nakatuon sa human rights at Kidapawan Massacre.

   Matapos ang pampasiglang pagtatanghal na iyon ni Joel ay pumunta naman sa unahan ang isang babaeng ipinakilala bilang Allen. Maikli lang ang naging palabas ni Allen sapagkat binigkas lamang niya ang isang tula na siya mismo ang gumawa na pinamagatang “Grudges to the Past”. Sa kaniyang pagtula ay tinanong din ni Allen kung papaano nga ba masasabi ng isang Pilipino na Pilipino siya.
Matapos si Allen ay sinundan pa muli siya ng ilan pang mga tagapagsalita.

   Sa paglipas ng oras ay napagdesisyunan ko na mag-interview. Sa pagkakataong ito ay nakapanayam ko si Jasmin Lacerna, 20 taong gulang. Nagpalitan kami ng tanong at sagot tungkol sa human rights. Pinunan niya ng kasagutan ang mga katanungan ko sa isang bosen na ‘di gano'n kalakas subalit pinipilit makipaglaban sa ingay ng mga taong nagdaraan at ingay ng nagrarap.

   “Actually 2013 talaga ako nag-start sa grupo namin kasi hobby ko ang pagpinta, bale nagsimula ako noong 3rd year college. Nung una puro arts yung ginagawa namin tapos na-curious ako du'n sa mga human rights then habang lumalaon ipinaintindi naman nila sa akin kasi sa grupo na ‘ yan ipinaliwanag sa amin yung kay Marcos, ‘ yung human rights at extra judicial killings”.
Sa tanong na kung ang pagsama ba sa adbokasiya ng human rights ay ipinakita niya sa pamamagitan ng pagpipinta ay naging maganda ang kaniyang sagot.

   “Ang sining ay para sa masa kahit walang bayad ‘yan at kahit may nasasagasaan kang oras d'yan, para sa masa ‘yun e. Gumagawa kami ng work para sa masa. ‘Di  lang pangsariling interes, kumbaga ‘yung ginagawa namin ‘di lang dito umiikot dahil madami pa kaming ginagawa bukod sa human rights”.

   Sa panayam naman kay Mr. German Mercado, isang political officer ng Akbayan Partylist, inilabas niya ang kaniyang saloobin sa mga nangyayaring EJK sa kasalukuyan:

   “Kung nakikinig kayo na balita  ‘di ba namatay si Espinosa, nabuklat, ang nag-operate ay si Marvin Marcos at ang sinabi ng pangulo ay ‘di niya pananagutin ang mga pumatay. Kahit siya presidente ay dapat siyang sumunod sa batas sapagkat ‘yun ang kaniyang sinumpaan, ang ipatupad ang batas ng bansa. Hindi tayo nabubuhay sa panahon ng mga hari na ang gumagawa ng batas ay hari. Nabububay tayo sa panahon kung saan nagkasundo ang mga mamamayan na gumawa ng kontrata na merong batas at dapat lahat sumailalim sa batas na iyon. Basic! Napakahalaga ng buhay at kaya nga tayo binigyan ng karapatan at meron tayong saligang batas, Article 3 section 1 ng Bill of Rights, No person shall be deprived of life, liberty, and property without the due process of law. Ibig sabihin walang sinumang tao ang dapat alisan ng buhay, ari-arian at anumang bagay na ‘di dumadaan sa batas. ‘Yun ‘yon”

   Pasado 5:30 n natapos ang programa pero ‘di pa pala iyon ang wakas. Bitbit ang mga kandila at plakard na may iba't-ibang sulat gaya ng “Marcos no Hero” ay magkakasamang nagmartsa ang mga human rights group at humigit kumulang 25 na estudyante mula Pacific Mall papuntang overpass sa tapat ng Quezon National High School at West I Elementary school, Lucena City.

   Sa martsa sama-samang sumigaw ang mga raliyista ng kanilang mga protesta gaya ng “No to Human Rights Violation” at “Marcos, Hitler, Tuta...” Kasabay nito ay namigay din sila ng mga pliers katulad ng ipinamigay sa Pacific Mall na naglalaman ng 12 Points ng NDF Program at isang artikulo tungkol sa pagsusulong ng Peace talks.

   Nang marating na ang kanilang destinasyon ay tumayo sa gilid ng kalsada ang mga raliyista at muling isinigaw ang kanilang mga protesta. Ang iba namang kasama ay umakyat sa overpass para isabit ang painting na kanilang ginawa na naglalaman ng mga bagay na may kaugnayan sa Human Rights. Kasabay nito ay nagvandalize naman ang iba sa overpass sa pamamagitan ng paglalagay ng tila larawan ni Pangulong Duterte habang hinahalikan si dating pangulong Marcos.

Mapayapang natapos ang rally pasado 6:37 na ng gabi  



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento