Ang kahulugan ng salitang sanaysay ay masisilip sa mga salitang pinaghanguan nito. Ang salitang sanaysay ay hango sa mga salitang “sanay at pagsasalaysay”. Ang mga salitang ito ay sang-ayon naman sa kahulugan ng sanaysay ayon kay Alejandro Abadilla. Ayon sa kan'ya, ang sanaysay ay nangangahulugang nakasulat na karanasan ng isang taong sanay sa pagsasalaysay.
Ang mga piling pangyayari sa buhay ng isang tao o ang buhay mismo ng isang tao ay ang mga bagay na nakapaloob naman sa isang sulatin na tinatawag na talambuhay. Dahil sa pagsusumikap ni Lumbera na lumikha ng “bagong” pamantayan sa pagkakategorisa ng sanaysay bilang anyong pampanitikan (Lumbera 2000, 7) maituturing na sanaysay ang talambuhay. Ayon sa kaniya, maaari na ring sakupin ng kategoryang sanaysay ang alinmang akdang prosa na “nagbabahagi ng impormasyon, nagpapaliwanag, umaakit na paniwalaan natin ang sinasabi, tumutuligsa sa mga institusyon o indibidwal o umaaliw sa mambabasa. Dahil sa ginawang depinisyon na ito ni Lumbera, masasabi na rin na ang mga liham, kolum/artikulo sa pahayagan, mga tala sa dyornal, talambuhay o kathambuhay, pananaliksik, pormal na sulatin, tesis, malikhaing sanaysay (creative nonfiction), blog entri, at iba pa ay maituturing na mga sanaysay (Malikhaing Sanaysay: Anyo, Kasaysayan, at Antolohiya, pp.5-6).
Malaki ang ginampanang papel ng sanaysay sa kasaysayan ng panitikang Filipino. Noong panahon ng mga kastila, ito ay nagsilbing midyum upang maipahayag ng mga katutubo sa pamamagitan ng mga pahayagan, artikulo, at tudling ang kanilang mga obserbasyon, kuro-kuro, at pagpapalagay.
Noong ika-19 na siglo, ginamit ng kilusang Repormista ang sanaysay bilang lunan ng kanilang mga obserbasyon ng paninikil ng mga kastila sa kalagayan ng mga Filipino. Ang pagtuligsa sa mga nangyayaring kabaluktutan at kapalaluan sa lipunan sa panahong ito ay pinangunahan ng pahayagang El Pasig (1862). Nanaig ang diwang makabayan sa mga sanaysay sa anyo ng tudling, liham, lathalain, dyornal, talaarawan, at sermon (Lucero, et al. 1994, 93)
Sa pamamagitan din ng sanaysay ipinamalas ni Dr. Jose Rizal ang kaniyang pagiging palaban at kritikal. Ipinakita niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagsusulat sa pahayagang La Solidaridad. Isa ang La Verdad para todos (katotohanan para sa lahat) sa marami niyang naisulat.
Ang sanaysay ay nilikha dahil layunin nitong magbahagi ng impormasyon, magpaliwanag, at upang aliwin ang mga mambabasa. Sa bahagi naman ng mga repormista, sila ay lumilikha ng mga sulatin upang maiparating nila sa madla ang kanilang mga ideolohiya.
Naging karaniwang paksain ng mga nailalathalang akda noon ang pagsasakristiyano ng mga katutubo. Ang pangyayaring ito ay bunsod ng katotohanan na noong panahon ng mga kastila ay mga pari ang nagmamay-ari ng mga palimbagan. Ayon kay Nenita Pagdangan-Obrique, “ito ang nagsilbing makinarya sa pangangalat ng mga akdang babasahin tulad ng meditasyon, sermon, dayalogo, anekdotang moral, himno, pag-aaral ng wika, at paliwanag ng mga prinsipyong katolisismo” (Pagdangan-Obrique 2001, 64)
Sa pamamagitan din ng sanaysay naipahayag ng mga Repormista gaya nina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar at Graciano Lopez Jaena ang kanilang mga ideolohiya, obserbasyon at hinaing.
Isa ang isyu ng mga kritisismo sa mga blog ang lumitaw sa usapin ng pagsasanaysay sa Pilipinas.
Mayroong dalawang uri ng sanaysay: ang pormal at impormal na sanaysay. Ang pormal na sanaysay ay bunga ng pangangalap ng datos at panaliksik. Hinahango ng mananaysay ang kaniyang mga obserasyon, kuro-kuro, at kongklusyon sa pamamagitan ng mga datos na maayos na nakaorganisa at lohikal na analisis nito. Ang ganitong uri ng sanaysay ay karaniwang mapakikinggan sa mga kaligirang intelektwal gaya ng sa mga klase sa pagsusulat, simposya, lektyur, sermon, at mga talumpati. Ang tesis o anumang pananaliksik ganun din naman ang mga panunuring pampanitikan ng mga nasa akademya ay ilan sa mga halimbawa ng ganitong uri ng sulatin. Sa kabilang banda naman, sa impormal na sanaysay ay binibigyang kalayaan ang mananaysay sa kaniyang pagkatha batay sa kaniyang sariling karanasan at kung papaano niya isasabuhay ang karanasang ito. Ang impormal na sanaysay ay tinatawag ding palagayan ni Matute (Matute 1984, 1). Ayon din sa kaniya makikita sa palagayan ang malikhaing pagpapahayag ng nararamdaman ng mananaysay. Ang ibig sabihin, personal ang lapit ng mananaysay sa kaniyang palagayan.
Ang malikhaing sanaysay naman ay madalas isulat sapagkat ang ganitong uri ng sulatin ay napapanahon hindi lamang dahil sa paksain nito, kundi dahil sa malayang pagkiling ng nakararami, manunulat man o hindi sa anyong ito. Bilang isang anyong pampanitikan matagal na itong nababasa at nasusulat kaya masasabi na subok na ang ganitong sulatin. Maaari ring dahilan kung bakit ito madalas isulat ay dahil ang malikhaing sanaysay ay ang pagtatala sa mga tunay na tao at pangyayari.
Ang malikhaing sanaysay ay parang tubig, tubig dahil ito ay binibigyang hugis ng kinalalagyan nito. Ibig sabihin ang malikhaing sanaysay ay umaangkop (flexible). Ayon naman sa mananaysay at kuwentista na si Cristina Pantoja-Hidalgo, ang malikhaing sanaysay ay may katangian batay sa pag-aaral nina Lee Gutkind at Philip Gerard. Ang mga katangiang dapat taglayin ng malikhaing sanaysay ayon kay Gutkind ay dapat isa itong pagsasabuhay at pakikipamuhay sa realidad ng sinusulat, dapat may kasamang pananaliksik sa napiling paksa. Kasama din sa mga katangiang binanggit ni Gutkind ay ang mga sumusunod: pagninilay-nilay sa nakalap na datos; pagbabasa ng mga tekstong makatutulong sa pagsusulat; at ang mismong akto ng pagsusulat. Sa kabilang dako, sinasabi naman ni Philip Gerard na may limang sangkap ang malikhaing sanaysay. Ayon sa kaniya dapat mayroon itong malinaw(apparent) at isang malalim(deeper) na sabjek. Tinataglay rin dapat nito ang katangian ng peryodismo na napapanahon(timeliness). Nagsasalaysay rin dapat ito ng isang magandang kuwento gamit ang estruktura ng maikling kuwento. Dapat isa rin itong pagmumuni-muni ng may akda at panghuli, dapat pinahahalagahan nito ang sining ng pagsulat(Gerard .996, 7-11).
Sa panahon ngayon, naglipana na ang mga taong nagbabahagi ng kani-kaniyang sanaysay sa mundo ng internet. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng blogging o kaya'y mga hindi mabilang na mga lathalain o kritisismo na makikita sa mga e-journal o opisyal na website/link ng pahayagan o organisasyon. Ang pagpapahayag ng damdamin ng karanasan ng mga bloggers ay ang masasabing sangkap kung kaya't masasabi na isa itong malikhaing sanaysay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento