Martes, Pebrero 14, 2017

"Malansang Umaga"


Maaring maagap pa para sa iba ang ala-sais ng umaga, pero ang ganitong oras ay tila tanghali na sa mga taga Dalahican lalong-lalo na sa pier nito dahil oras na ito ng kasagsagan ng mga taong mamimili ng mga sariwang isda.



Ito ang karaniwang eksena sa bagsakan ng isda sa Dalahican, maraming tao at kahit saan ay may isda kang makikita.

Pananalubong ang ginagawa ng ilan sa mga tao sa pier. Sila yung mga nag-aabang at agad sasalubong sa mga bangka o di kaya'y basnig na dumadaong sa pantalan





Dahil sa natural na lokasyon ng Dalahican hindi na kataka-taka ang iba't ibang isda na makikita sa katubigang nakapaligid dito. Mga isdang iba't iba ang laki at kulay.


Walang pini-piling edad ang pananalubong, karaniwang tanawin na sa pier ang mga amang kasama ang kanilang mga batang anak na lalaki na tila sina-sanay na para sa mga susunod pang taon.



Sa dami ng isdang ibinabagsak sa Dalahican, hindi na kataka-taka ang banye-banyerang isdang makikita dito. Mga isdang kung saan-saan nakakarating. May mga dinadala sa Maynila o di kaya naman ay sa iba pang lugar.


Upang di agad mabulok at maging bilasa ang mga isdang nahuli ng mga pangulong, basnig at maliliit na basnig ay nilalagyan nila ng yelo ang mga ito. Pag-iilado ang tawag sa proseso ng paglalagay ng yelo sa mga isdang dadalhin sa ibang lugar upang tumagal ang panahon bago maging bilasa ang mga isda.

Sa dami ng isdang dapat lagyan ng yelo e hindi lang iisang tao ang gumagawa ng trabahong ito. Mag-kakasamang nag-iilado ang mga lalaking nagtatrabaho sa iisang amo upang mapadali ang gawain.


 Pagkatapos iladuhin ang mga isda, ilalagay naman ang mga ito sa mga container na tulong-tulong itutulak papunta sa mga trak na nasa labas ng gusali. 


Sa gilid na bahagi naman ng pier ay matatagpuan ang mga negosyanteng nagtitinda ng mga isda sa maliit nilang pwesto. Ito din ang lugar na karaniwang dinadagsa ng mga tao pagsapit ng mga pasado alas siete hanggang hapon.

 Dito na rin binubukod-bukod ng mga negosyante ang kanilang mga paninda, karaniwang nasa mga palanggana at pinggan ang mga isdang ito.


Kahit na mura ang mga isda sa Dalahican ay mabusisi pa ring sinusuri ng mga namamlengke ang mga isda rito. Tinitingnan nila kung mapula ang hasang, kung maputi ang mata at kung hindi ito malambot at bilasa. Dahil sa mga ginagawang ito ng mga mamimili maari silang tawaging "matatalinong mamimili".

Normal lang din sa lugar na ito ang makakita ng mga batang nagtitinda ng mga isda, mga nangunguha ng styro foam, mga naghuhugas ng mga banyera. Ito ay mga trabahong ginagawa nila para mabuhay.

Kung mabusisi ang mga mamimili ay tapat naman ang mga nagtitinda rito. Tinitimbang nila nang maayos ang mga isdang binibili at ipinapakita nila ito sa mga mamimili. Kung suki ka nila maaring ka pang makakuha ng discount kung marunong kang makipagtawaran.




Kung nagustuhan ng mga mamimili ang isda ay tiyak na ang bayaran. Kung ang namili ay walang oras para maglinis ng isda ay pwede naman nila itong ipalinis sa mga taong nasa gilid ng daungan. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento