Matapos mapanuod ang kaniyang pelikulang Taklub ay agad pinagkaguluhan si Direk Brillante Mendoza paglabas pa lamang niya sa Cinema 4 ng SM City Lucena nitong Enero 14,2017. Kanya- kanyang higit at kublit ang mga katulad kong mag-aaral ng Calayan Educational Foundation Inc. (CEFI) upang makipag-selfie o di kaya'y groufie sa batikang direktor.
Ang obrang ginawa ni Brillante Mendoza na pinamagatang “Taklub” ay para talaga sa lahat ng Filipino dahil hango ito sa realidad ng buhay, sa buhay ng mga pangkaraniwang tao, matapos silang hambalusin ng super bagyong Yolanda.
Noong makita ng karakter na si Erwin ang ginawang pagnanakaw ng yero ng isang lalaki mula sa kanilang bahay ay agad itong nagalit. Hinabol niya ito, at noong maabutan niya ito sa dalampasigan ay doon niya ito binugbog. Itong eksenang ito ang isa sa pinakanagustuhan kong eksena dahil bawat bitaw ng mura, bawat “putang ina mo” ay tagos; idagdag pa ang ekspresyon ng mukha ng mga gumanap.
Ipinakita sa pelikula ang pagnanakaw, kawalan ng maayos na masisilungan, paghahanap ng mga mahal sa buhay na ‘di mo alam kung buhay o patay na, patuloy na pagkapit sa Diyos, at pati na rin kawalan ng kuryente. Sa lahat ng ito, umangat ang huli o kawalan ng kuryente dahil nakita na agad ito sa unang bahagi pa lang ng pelikula. Ipinakita ito sa pamamagitan ng pagkasunog ng bahay ni Renato, na ang dahilan ay ang paggamit ng gasera na karaniwan sa mga taong hikahos sa buhay. Mula sa mga pangyayaring ito at mula na rin sa direktor ang pinaka-naging layunin ng pelikula ay ang maimulat ang lahat kung gaano naging kahirap, kung papaano nagpatuloy sa buhay, at kung papaanong nagsimula muli sa wala ang mga nasalanta.
Ang pagkasunog ng bahay ni Renato, ang pagnanakaw sa bahay nina Erwin ay mga pangyayaring totoo talaga. Ganu'n din naman ang paghahanap ng mga mahal sa buhay at patuloy na pagkapit sa Diyos. Lahat ng ito ay may binhi ng katotohanan at realidad dahil sumasalamin ito sa realidad ng buhay matapos ang Yolanda.
Sa kabuuan, ang pelikula ay talagang maganda. Ipinakita dito nang malinaw ang layunin ng direktor at ‘yun ay ang imulat ng mata ng lahat. Ang layuning ito ay sinuportahan ng mga pangyayari sa pelikula gaya na lamang ng pagkasunog ng bahay ni Renato, pagbubuhat ni Larry ng krus, at ang paghahanap ni Bebeth sa kaniyang mga anak.
Kung mayroong magtatanong sa akin kung anong magandang pelikula ang panoorin ay mairerekomenda ko ito. Ito ay dahil sa katotohanang makaka-relate ang karamihan sa ating mga Filipino dahil ito ay patungkol sa buhay matapos ang Yolanda. Isang pangyayari na bunsod ng bagyo at na ‘di malayong mangyari din sa atin dahil lahat naman tayo ay nakararanas ng ganitong uri ng kalamidad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento